
Nagkasa na ng follow-up operation ang Pasay City Police at Southern Police District (SPD) kaugnay sa insidente ng pagnanakaw sa bag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia.
Ayon sa SPD, nagsasagawa na sila ng hot-pursuit operation para mahuli ang mga nasa likod ng krimen ng pagnanakaw.
Una nang kinumpirma ni Comelec Chairman Erwin Garcia na nanakawan siya ng bag pasado ala-1:00 ng tanghali sa isang restaurant sa Gil Puyat Avenue sa bahagi ng Roxas Blvd. sa Pasay City.
Naglalaman umano bag ng cellphone, pera, ilang cards at mga ID.
Sinabi rin nito na may ilang indibidwal ang nakihalo sa kanila habang kumakain ngunit hindi napansin ang pagkawala ng kaniyang bag gayong kasama niya ang kanyang mga staff at lahat ng commisioners.
Samantala, inaalam naman na ng SPD kung may mas malaking sindikato sa likod ng pananalisi.
Iginiit naman ni Garcia na hindi niya kailangan ng mas maraming security personnel dahil wala naman siyang natatanggap na pagbabanta lalo na’t wala siyang nakakaaway.









