Mga suspek sa pagpatay sa mag-asawang online seller, nahuli na

Hawak na ngayon ng Police Regional Office 3 ang mga suspek sa pagpatay sa mag-asawang online seller na sina Arvin at Lerma Lulu.

Sa impormasyon mula kay Philippine National Police o PNP Region 3 Director Police BGen. Red Maranan, naaresto ang pitong suspek kabilang ang umano’y mastermind.

Kinilala ang gunman na si Arnold Taylan at ang backrider na si Arnel Buan na itinuturing na key suspects.


Ang ilan pa sa mga suspek ay kinilalang sina Robert Dimaliwat, Rolando Cruz, Jomie Rabandaban, Sancho Nieto at ang umano’y mastermind sa krimen na si Anthony Limon.

Tinitingnan motibo ng pulisya ang pagkakautang ni Limon na kapwa online seller sa mag asawa na umaabot ng P13-M.

Nakumpiska sa mga ito ang anim na mga baril, motor at sasakyan na ginamit sa krimen.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na ang mga suspek ay miyembro ng gun-for-hire group na naka-base sa Nueva Ecija na sangkot sa 12 kaso ng murder case sa Central Luzon.

Matatandaang Oct. 4 ng hapon nang sundan at pagbabarilin ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang sinasakyan ng mag-asawang biktima sa Brgy. Sto. Cristo sa Mexico, Pampanga.

Facebook Comments