
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ngayon ng pulisya sa insidente ng pamamaril kay Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) team leader Edwin dela Cruz ng Peñaranda, Nueva Ecija.
Ayon sa ulat, kumakain ng hapunan ang biktima kasama ang kanyang partner sa kanilang kantina sa Purok 7, Barangay Las Piñas, nang biglang dumating ang mga salarin sakay ng isang motorsiklo at walang sabi-sabing pinagbabaril ang 52-anyos na biktima.
Hinala ng pulisya, posibleng may kaugnayan sa kanyang trabaho ang insidente.
Batay sa CCTV footage, bumaba ang gunman mula sa motorsiklo at binaril si Dela Cruz. Naisugod pa naman sa pagamutan ang biktima pero idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Naglaan naman na ng P200,000 ang Peñaranda LGU para sa impormasyon sa makapagtuturo sa mga salarin.









