Nasampahan na ng kasong murder ang tatlong itinuturong suspek sa pagpatay kay Eduardo Dizon, ang anchor ng Brigada News FM na napatay sa Kidapawan City nitong Hulyo.
Sabi ni Presidential Task Force on Media Security Executive Director Joel Egco, naihain na ang kaso kahapon sa Kidapawan City Regional Trial Court.
Ang mga nakasuhan ay sina Junell Jane Andagkit Poten, Sotero Jacolbe, Jr. at Dante Encarnacion Tabusares.
Sabi ni Egco, sina Tabusares at Jacolbe ay local broadcasters rin.
Kamasa si Poten, nagsabwatan aniya sila para planuhin ang pagpatay kay Dizon.
Matatandaang galing sa trabaho si Dizon nang paulanan ng bala ng riding in tandem ang kanyang sasakyan, pasado alas-10 ng gabi noong July 10.
Sabi naman ni Communications Sec. Martin Andanar, na hindi titigil ang gobyerno sa mga hakbang nito para mapanagot ang mga nasa likod ng pagpatay sa mga miyembro ng media.