Mga suspendidong opisyal at empleyedo ng NFA, sumagot na sa Ombudsman kaugnay sa umano’y iregularidad sa pagbebenta ng bigas

Iginiit ng 108 na suspendidong mga opisyal at empleyado ng National Food Authority (NFA) na wala silang kinalaman sa rice scam.

Kabilang sila sa 139 na mga opisyal at empleyado ng NFA na pinatawan ng preventive suspension ng Office of the Ombudsman dahil sa umano’y iregularidad sa pagbebenta ng bigas.

Sa inihain nilang motion for reconsideration sa Office of the Ombudsman ngayong hapon, hiniling ng mga inaakusahan na bawiin ng Ombudsman ang suspensyon at maging maingat sa pagpapalabas ng desisyon.


Karamihan sa naghain ng motion for reconsideration ay mga warehouse supervisor, branch at regional manager mula sa Region 1 hanggang sa Bangsamoro Region.

Sinabi ni Atty. Raphael Rayco, ang abogado ng 108 na mga opisyal at empleyado ng NFA, na batay sa datos, ilan sa mga sinuspindeng kawani ng NFA ay patay na, retirado, isa ang naka-study leave at mali ang mga designation.

Dagdag ni Rayco, hindi ito patas para sa mga 108 na kawani na ginagawa ang kanilang trabaho para sa bayan.

Hirap at wala na rin sila aniyang kinikita dahil sa kanilang pagkakasuspinde ng walang bayad.

Facebook Comments