Manila, Philippines – Sumugod sa Manila Police District ang nasa humigit kumulang sikwentang Muslim na biktima umano ng scam.
Ayon kay Yusoph Mando, peace advocate at tagapagsalita ng mga biktima, nasa mahigit dalawandaang Muslim na mula sa iba’t ibang panig ng Mindanao ang pinangakuan na makakapunta ng Mecca bilang paggunita ng Hajj.
Kinilala ang mga suspek na sina Salamah Sibala Diba Rusan, Alama Carreon at Usman Adil Tah na nanghingi umano ng mahigit limampung libong piso kada-tao kapalit ng pagpunta sa Mecca.
Nakatakda umano silang umalis noong August 25 ngunit August 28 na at matatapos na ang paggunita ng Hajj ay hindi pa sila nakakaalis.
Dagdag ni Mando, nagsimula na silang umalma nang walang natatanggap na passport at visa ang mga biktima gayung malapit na ang petsa ng kanilang pag-alis at matatapos na rin ang paggunita Hajj.
Nalaman nilang nasa Sunny Bay Suits Hotel sa Roxas Blvd. ang suspek na agad nilang pinuntahan kaninang alas-singko ng umaga.
Sa pakikipagtulungan ng mga pulis ng Ermita ay dinala ang tatlong suspek sa MPD kung saan siya sasampahan ng kasong Large Scale Estafa.
Ayon kay Chief Inspector Joselito de Ocampo, hepe ng MPD General Assignment and Investigation Unit, una ng inireklamo ang grupo ni Diba Rusan sa parehas na insidente sa Basilan kung saan apatnapung katao ang nabiktima.