Mga taga-Cagayan at Ilocos Norte, binalaan sa debris ng rocket ng China

Nagbabala ang Office of Civil Defense (OCD) sa publiko, partikular na sa mga residente ng Cagayan Valley at Ilocos Norte, kaugnay ng bumagsak na debris mula sa Long March 7 rocket ng China.

Kinumpirma ng Philippine Space Agency na inilunsad ng China ang naturang rocket kahapon mula sa Wenchang Space Launch Site sa Hainan province kung saan tumama umano ang ilang bahagi ng debris sa karagatan sakop ng Cagayan.

Ayon sa ulat, natukoy ang drop zones sa 58 nautical miles mula sa Dalupiri Island, Cagayan; 37 nautical miles mula sa Burgos, Ilocos Norte; 92 nautical miles mula sa Camiguin Norte, Cagayan; at 79 nautical miles mula sa Sta. Ana, Cagayan.

Dahil dito, mahigpit na pinapayuhan ng OCD ang mga mangingisda at residente na iwasang lapitan ang anumang makitang debris dahil maaari itong naglalaman ng toxic materials na mapanganib sa kalusugan.

Facebook Comments