Mga taga-Laguna na nagtatrabaho sa NCR, posibleng naiuuwi ang virus kaya patuloy na sumisipa ang kaso roon ng COVID-19

Isa sa mga nakikitang dahilan ni Biñan City Mayor Walfredo “Arman” Dimaguila Jr., kung bakit tumataas ang kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar ay dahil marami sa kanilang residente ay nagtatrabaho sa Metro Manila.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ng alkalde na maraming taga-Biñan at San Pedro Laguna ang trabaho ay nakabase sa National Capital Region (NCR).

Posible aniyang nadadala ng mga ito ang COVID-19 sa kanilang pag-uwi na mabilis namang naipapasa sa kanilang mga mahal sa buhay sa tahanan.


Maliban dito, isa rin aniya ang COVID fatigue kaya tumataas ang kaso sa kanilang lalawigan.

Kasunod nito nananawagan ang alkalde sa lahat na patuloy na sumunod sa health and safety protocols lalo na’t nananatili ang banta ng COVID-19 Delta variant.

Sa ngayon, nasa 413 ang aktibong kaso sa Biñan kung saan kahapon ay naitala ang pinakamaraming nahawaan ng virus na umabot sa 78 katao mula ‘yan sa mga nakalipas na datos na hanggang 25 new active cases lamang ang naitatala sa lugar.

Facebook Comments