Mga taga-Metro Manila, muling pinaghahanda ng MMDA para sa pagdating ng the Big One

Handa ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na magbigay ng mga pagsasanay sa iba’t ibang lokalidad at komunidad sa National Capital Region (NCR).

Ito’y para maihanda ang mga residente ng Metro Manila sa epektong dulot ng posibleng pagtama ng pinangangambahang the “Big One” o ang napakalakas na lindol na tatama rito.

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Romando Artes, hindi biro sakaling tumama sa Metro Manila ang the “Big One” dahil tiyak na maraming buhay ang mawawala at ari-ariang masisira.


Batay aniya sa pag-aaral, tinatayang aabot sa mahigit 35 libo ang posibleng masawi sa NCR sakaling gumalaw ang West Valley Fault habang posibleng umabot sa mahigit 120 libo ang magiging sugatan.

Magreresulta rin aniya ito sa tinatayang 170 hanggang 350 libong istruktura ang posibleng mag-iba sakaling yanigin ang Metro Manila ng kinatatakutang lindol.

Kaya naman pinaalalahanan ni Artes ang mga residente ng Metro Manila na huwag ipagsawalang bahala ang banta ng the “Big One” kaya’t mas mainam na laging maging handa upang makaiwas sa sakuna.

Facebook Comments