Mga taga-oposisyon, hinimok ng isang grupo na suportahan na lamang ang nalalabing dalawang taon ni Pangulong Duterte

Hinimok ng grupong Filipinos for Peace, Justice and Progress Movement (FPJPM) ang mga kritiko ng Duterte administration na suportahan na lamang ang nalalabing dalawang taon nito sa Malakanyang.

Ayon kay FPJPM President Butch Cadsawan, mas katanggap-tanggap para sa bansa ang pagsuporta sa programang ginagawa ng pamahalaan kung hindi watak-watak ang mga Pilipino.

Patunay umano ang halos 85% ng mga Pilipino na patuloy na nagtitiwala sa Duterte administration kung ang pagbabatayan ay ang huling SWS trust rating ng Pangulo Rodrigo Duterte.


Paliwanag ni Cadsawan sa nakalipas na apat na taon sa Malakanyang, kumbinsido ang FPJPM na naihatid ni Pangulong Duterte ang kanyang mga government agenda lalo na ang mga naipangakong reporma noong kampanyahan tulad ng paglaban sa mga oligarko.

Dagdag pa nito na sa panahong umiiral ang pandemya, ang pagtuligsa umano sa Pangulo na hindi suportado at kapos sa datos ay kawalan lamang ito ng kanilang kredibilidad.

Ang tinatahak ngayon ni Pangulong Duterte sa huling dalawang taon ng kanyang panunungkulan partikular na ang pagbawi sa public services tulad ng tubig, kuryente at telekomunikasyon ay isang bagay na magpapataas pa sa kanya sa tiwala ng sambayanan.

Samantala, kahit dalawang taon na lamang sa Malakanyang si Pangulong Duterte, naniniwala pa rin ang FPJPM na kaya nitong gibain ang mga oligarko sa bansa at mabibigyan ng hustisya ang maraming Pilipino sa mapang-abusong mga negosyante.

Ang grupong FPJPM ang nangalap noon ng maraming lagda para kumbinsihin si Da King Fernando Poe Jr., na sumabak sa pulitika.

Facebook Comments