Manila, Philippines – Tutungo mamayang hapon sa harap ng Senado ang iba’t ibang grupo ng mga magsasaka upang muling magpahayag ng pagsuporta sa pagpapatuloy ng confirmation hearing ni Agrarian Secretary Rafael “Paeng” Mariano, na gaganapin bukas.
Ayon kay Tonying Flores, Secretary General ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, alas-sais mamayang gabi ang simula ng kanilang prayer vigil na tatagal sa magdamag.
Bukas, ay magkakaroon sila ng programa kung saan ihahayag nila ng suporta sa kalihim, kasabay ng mismong confirmation hearing.
Ayon kay Flores, suportado nila si Marino dahil sa maikling panahon nitong panunungkulan ay napatunayan nila na mayroong malasakit ang kalihim sa mga magsasaka at mahihirap.
Kaya’t naniniwala aniya sila na mas marami pang maipatutupad na programa ang Department of Agrarian Reform (DAR) na pabor sa mga mahihirap at magsasaka kung magpapatuloy ang paglilingkod nito sa DAR.
Ayon kay Flores, bukod pa sa iba’t ibang grupo ng magsasaka, ilang militanteng grupo rin ang makikibhagi sa naturang pagkilos kabilang ang grupong Anak Pawis, Sinag Bayan at Bagong Alyansang Makabayan.