Nakiisa na rin ang isang grupo ng mga tagasuporta ni presidential candidate Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa panawagang pagbabayad ng P203 bilyong estate tax ng mga Marcos.
Batay sa Switch! IskO Na Tayo! Movement, kaisa sila ni Domagoso sa panawagang bayaran ng pamilya ni dating senador Ferdinand Marcos Jr. ang P203-B na estate tax na naipon sa loob ng ilang dekada.
Sinusuportahan din nila ang naunang pahayag ng alkalde ng Maynila na ang mga nalikom mula sa mga utang na ito sa buwis ay maaaring gamitin bilang karagdagang “ayuda” para sa mga pamilyang Pilipino.
Kasabay nito, nagpasalamat naman ang grupo kay Domagoso sa paglantad nito ng estate tax ng mga Marcos sa publiko, na nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na pag-isipang muli kung sino ang dapat nilang iboto.
Iginiit din ng Switch! Isko Na Tayo! Movement na kabilang sa mga dahilan kung bakit sila nagpasya na suportahan si Domagoso ay dahil sa pagiging totoo, mas karapat-dapat, at God-fearing nito sa lahat ng presidential candidates.
Binanggit din ng grupo ang pambihirang pamumuno ni Domagoso bilang alkalde ng Maynila lalo na ngayong may pandemya.