CAUAYAN CITY- Iba’t-ibang tagumpay ang naisakatuparan ng 86th infantry batallion ngayong taon na nakatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
Matagumpay na naideklara bilang Insurgency Free ang mga lugar sa Nueva Vizcaya, Santiago City, Angadanan, San Agustin, at Dinapigue, Isabela.
Dahil dito, nabawasan ang pangamba ng mga residente sa presensya ng makakaliwang grupo, na nagbigay-daan sa mas mapayapang pamumuhay.
Isang mahalagang tagumpay din ang pagkakarekober ng mga armas mula sa makakaliwang grupo sa bayan ng San Agustin, Isabela, na nagpalakas ng seguridad sa rehiyonP
Patuloy ang aktibong pakikipagtulungan ng yunit sa Task Force to End Local Communist Armed Conflict (TF-ELCAC). Sa pamamagitan ng kanilang mga programa at serbisyo, natutulungan ang mga barangay na na-clear mula sa presensya ng mga rebelde upang maibalik ang kaayusan at mapabuti ang kabuhayan ng mga residente.
Patuloy na pinagtibay ng 86IB ang ugnayan sa lokal na pamahalaan, mga non-government organizations (NGOs), at iba pang mga sektor upang mapanatili ang mga nakamit nilang tagumpay at mapalawig pa ang kanilang epekto sa komunidad.
Ang kanilang mga inisyatibo ay patunay ng kanilang dedikasyon sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaunlaran sa kanilang nasasakupan.