Nagpatupad ang mga tanggapan ng gobyerno sa Occidental Mindoro ng “compressed work week arrangement” upang mabawasan ang konsumo ng kuryente sa kasagsagan ng power crisis sa lalawigan.
Sa inilabas na memorandum ni Occidental Governor Eduardo Gadiano, apat na araw lamang magbubukas ang mga government offices mula Lunes hanggang Huwebes tuwing 7AM hanggang 6PM.
Ayon sa kautusan, mananatili ito hangga’t hindi nareresolba ang 20 oras na brownout araw-araw sa probinsya.
Hindi naman sakop ng compressed work week arrangement ang mga front-line services tulad ng government hospital, general services offices, security units, provincial jail, management information system division at iba pa.
Inutusan din ni Gadiano ang mga empleyado na limitahan ang paggamit ng electric appliances tulad ng air conditioner, water dispensers at ilaw habang pinapapatay din ang mga water pumps tuwing weekend.