Itinutulak sa Kamara na maharap sa mabigat na parusa ang mga taong masasangkot sa “hoarding,” manipulasyon sa presyuhan, at “cartel” ng mga paracetamol at iba pang gamot para sa trangkaso, sipon at iba pa na pawang sintomas ng COVID-19.
Kasunod na rin ito ng nangyaring pagtaas ng demand at kakapusan sa suplay ng paracetamol at iba pang gamot sa kasagsagan ng “holiday season” na sinabayan pa ng banta ng Omicron variant.
Sa House Bill 10675 o “Lingkod Security and Stability of Medicines for Flu and Colds Bill” na inihain ni Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, nakasaad na dapat na ituring na krimen ang mga responsable sa pag-iimbak ng mga gamot, “profiteering” at cartel.
Layunin ng panukala na mapigilan ang mga maling gawain lalo’t nagdudulot ito ng hindi makatarungang pagtaas sa presyo.
Kapag naging ganap na batas, ang mga mapapatunayang nagkasala ay pagmumultahin ng P50 million at pagkakakulong ng hindi bababa sa 12 taon pero hindi lalagpas ng 20 taon habang multang P100 million at kulong na hindi hihigit sa 20 taon para sa mga lalabag sa ikalawang pagkakataon.
Matatanggalan din ng lisensya, permits at registration ang sinumang indibidwal, kompanya at kahalintulad na lumabag at kukumpiskahin ang lahat ng mga ibinebentang produkto.