Mga taong nabakunahan ng Sinopharm, malabo pang mabigyan ng booster shots

Pinag-aaralan pa ng Department of Health (DOH) kung anong brand ng booster shots ang maaaring iturok sa mga taong nakatanggap ng Sinopharm COVID-19 vaccine.

Sa pagdinig ng House Committee on Health, naitanong ni Deputy Speaker Baby Arenas kay Health Usec. Myrna Cabotaje kung mayroon na bang advisory para sa booster shots ng mga indibidwal na nabigyan ng 1st at 2nd dose ng Sinopharm.

Pero sinabi ni Cabotaje na hanggang ngayon ay pinag-aaralan pa nila ang kanilang polisiya habang ang mga expert group ay patuloy pa ring inaalam kung anong booster ang dapat iturok sa mga nakatanggap ng Sinopharm bilang primary vaccine.


Aminado ang opisyal na wala masyadong pag-aaral na ginawa ang mga eksperto sa Sinopharm at sa booster na nararapat para dito at maging ang Food and Drug Administration (FDA) ay wala ring data sa nasabing brand ng bakuna.

Maging ang mga datos mula sa abroad ay kakaunti lamang pagdating sa Sinopharm vaccine.

Hindi pa mairekomenda sa ngayon ng DOH kung maaaring magpabakuna muli ng ibang brand ng COVID-19 vaccine ang isang taong tumanggap na ng Sinopharm.

Nakiusap si Cabotaje sa mga nabakunahan ng Sinopharm na maghintay pa ng kaunti dahil kasalukuyan na rin itong pinag-aaralan ng ahensya.

Facebook Comments