Pinaiimbestigahan na ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr., ang mga indibidwal na sadyang iniligaw ang paghanap kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.
Ayon kay Abalos malaki ang posibilidad na may mga taong ‘guilty’ sa ‘obstruction of justice’ lalo’t alam nila na nasa KOJC compound lamang ang puganteng religious leader.
Ani Abalos, sinadya ng mga itong magpakalat ng misinformation upang mahirapan ang mga otoridad na madakip si Quiboloy at apat na kapwa akusado nito.
Ginawa ni Abalos ang pahayag matapos sabihing bunga ng intel reports ang pagkakadakip kay Quiboloy at iba pa dahil sa wala na silang choice kundi ang sumuko matapos mapaligiran ng 1,000 kasapi ng SAF at SWAT ang KOJC compound noong Linggo.
Samantala, tinawanan lamang ni Abalos ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na wala na sa Davao si Quiboloy dahil baka umano nasa langit na ito.