Tiniyak ng Malacañang na hindi tatanggalin ang mga tapat na empleyado ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at ililipat ang mga ito sa bagong ahensyang bubuuin sakaling buwagin ang state-health insurer.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pagsusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte na buwagin ang PhilHealth ay layong pabilisin ang pagtapon sa mga tiwaling opisyal.
“Wala pong magbabago, mga mukha lang, matatanggal lang po ang korapsyon kapag nabuwag at bumuo ng bagong organisasyon na gaganap din ng ginagawa po ng PhilHealth,” sabi ni Roque.
Naniniwala aniya si Pangulong Duterte na marami pa ring mga kawani ng PhilHealth ang tapat sa kanilang tungkulin sa kabila ng iregularidad sa ahensya.
“Iyong mga matitino naman po, wala kayong dapat alalahanin dahil alam naman po ng Presidente kung sino talaga ang bulok at sino ang matino. At naninindigan pa rin ang Presidente na marami pa rin pong mga mabubuting mga manggagawa ng gobyerno diyan po sa PhilHealth,” ani Roque.
Ang government workers na may civil service eligibility ay maaaring tanggalin matapos dumaan sa due process.
Nanawagan si Roque sa pagbuo ng National Health Service na papalit sa PhilHealth sa ilalim ng Universal Health Care bill na kanyang inihain noong siya pa ay mambabatas.
Nabatid na binigyan ni Pangulong Duterte si PhilHealth Chief Dante Gierran hanggang Disyembre na ayusin ang gusot sa PhilHealth.