Naglatag na ng mga plano sa gobyerno ang mga tatakbong pangulo para sa 2022 national election.
Si Manila Mayor Isko Moreno na kabilang sa partidong Aksyon Demokratiko, kikilalanin ang arbitral ruling sa West Philippine Sea (WPS) at pipiliting makausap ang China tungkol sa isyu.
Pagbangon naman ng ekonomiya ng bansa na nalugmok dahil sa COVID-19 pandemic ang gustong tutukan ni Senator Panfilo Lacson kaya ngayon pa lamang ay bumubuo na siya ng grupo ng mga eksperto sa ekonomiya, governance at iba pa para matutukan kaagad ang problema sa kabuhayan ng bansa.
May ibang plano rin si Lacson kung paano maibabalik sa mga Pilipino ang buong karapatan sa WPS at ito ay ang pagpapanatili sa balance of power.
Si Senator Ronald Bato Dela Rosa naman ng PDP-Laban Cusi Wing ay tiniyak ding ilalaban ang interes ng bansa sa WPS habang pagbabakuna ang bibigyang-prayoridad sa paglaban sa pandemya katulong ang iba’t ibang sangay ng gobyerno at ibang bansa.
Kapag naging pangulo, magpapatawag din si Dela Rosa ng isang Anti-Graft and Corruption assembly para bumuo ng plano para labanan ang korupsiyon.
Samantala, si Vice President Leni Robredo na tumatakbong independent ay bibigyang-prayoridad sa unang 100 days niya bilang pangulo ang pagpapababa ng COVID-19 cases at pagpapalakas ng ekonomiya.
Ang pakikipag-ugnayan sa China ay magkakaroon din ng limitasyon sabi ni Robredo.
Sa ngayon, nasa Batangas na sina Senator Manny Pacquiao at running-mate nito na si House Deputy Speaker Lito Atienza at nakipag-pulong kina Senate-President Pro-Tempore Ralph Recto at iba pang lokal na lider doon.
Ang tagapagsalita naman ni dating Senator Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos ay iginiit na kahit sila ay naghihintay pa rin ng hanggang November 15 para makita kung ano ang magiging itsura ng labanan sa 2022 Presidential Race.