Mga tauhan at assets ng Philippine Army, ipinadala malapit sa Mt. Kanlaon

Kasunod ng patuloy na pag-aalburoto ng bulkang Kanlaon, ipinakalat ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army sa Negros Island ang kanilang 464 na tauhan kabilang ang CAFGU Active Auxiliaries at assests tulad ng 42 sasakyan.

Ang mga pinadalang tauhan ay kabilang sa 47 Disaster Response Task Units mula sa 79th, 62nd, at 94th Infantry Battalion at 542nd Engineer Construction Battalion ng 303rd Infantry Brigade maging ang 47th at 15th Infantry Battalion ng 302nd Infantry Brigade.

Ayon kay 3ID Commander Major General Marion Sison, ang deployment ng Disaster Response Task Units ay para agad na makaresponde anuman ang mangyari sa Mt. Kanlaon lalo na’t patuloy pa rin ang pag-aalburoto nito.


Bukod dito, nagsasagawa na rin ng community awareness program ang Philippine Army katuwang ang mga Local Government Unit at kinauukulang ahensya ng gobyerno na layong maipaalam sa mga residente ang evacuation procedures, emergency contacts, at safety measures.

Facebook Comments