Kinilala ni Senator Robinhood Padilla ang mga tauhang lulan ng BRP Teresa Magbanua na limang buwang nagtiis sa hirap at panghaharass habang pinananatili ang presensya ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Nakapaloob ang pagbibigay pugay sa mga crew ng barko sa Senate Resolution 1202 na inihain ng senador.
Binigyang pugay ni Padilla ang mga tauhang ipinadala ng Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa napakahalaga at hindi masusukat na kontribusyon ng mga officers at crew ng BRP Teresa Magbanua para mapanindigan ang soberenya ng ating bansa.
Kinikilala dito ang dedikasyon at commitment ng ating Philippine Coast Guard (PCG) na protektahan ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Nitong Abril ay ipinadala ng PCG ang BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal para subaybayan ang reclamation activities ng Tsina sa teritoryong iyon ng bansa subalit bumalik sa Puerto Princesa Port ang barko nito lamang Setyembre 15 dahil sa masamang panahon, pagkaubos ng mga gamit at pinsala sa barko matapos na i-harass ng China bukod sa kondisyong medikal na kailangang agad na matugunan.