Hindi palulusutin ng Department of Justice (DOJ) ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na mapapatunayang kasabwat ng ilang dayuhan sa iligal na aktibidad.
Kabilang na rito ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang mga nagpapagamit ng gadgets sa mga nakakulong na dayuhan.
Aminado ang kalihim na mabigat na problema ito sa mga detention facility sa bansa pero iniimbestigahan na ito ngayon at sa katunayan ay may mga cellphone nang isasailalim sa forensic investigation.
Tiniyak din naman ni Remulla na agad nilang ipade-deport ang mga Japanese national base sa hiling ng kanilang gobyerno dulot ng mga kaso roon.
Nag-ugat ang isyu sa pagkakatukoy ng mga awtoridad ng Japan na sa Pilipinas galing ang IP address ng mga sangkot sa mga insidente ng malaking nakawan.
Partikular umanong natukoy ang detention facility ng Immigration sa Bicutan, Taguig na source ng komunikasyon.
Dahil dito, hinihiling ng Japan ang tulong ng Pilipinas at ang pagpapa-deport kaagad ng apat hanggang limang Japanese national na pinaghihinalaang sangkot sa mga insidente ng nakawan.