Mga tauhan ng CIDG Quezon City Field Unit, isinailalim sa restrictive custody

Inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director PMgen. Albert Ignatius Ferro na disarmahan at isailalim sa restrictive custody ang lahat ng tauhan ng CIDG-Quezon City Field Unit para isailalim sa imbestigasyon.

Ito ay matapos ang mga alegasyong pagkakasangkot sa pangongotong kapalit ng pagpapalaya sa isang arestadong negosyante.

Matatandaang sinibak ni PMGen. Ferro ang mismong hepe ng CIDG-QC Field Unit na si PMaj. Merbern Bryan Lago at tauhan nito na si PSMsgt. Ruel Chu.


Sina Lago at Chu ay umano’y nangikil ng 3 milyong piso kapalit ang kalayaan ni Adrian Dominic Ang na may-ari ng ADA Farm Agriventure na inaresto sa bisa ng warrant of arrest.

Sinabi ni PNP chief, walang lugar sa PNP ang mga ganitong pulis, at tiniyak na magpapatuloy ang paglilinis sa hanay ng PNP sa ilalim ng kanilang Intensified Cleanliness Policy.

Facebook Comments