
Ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagsibak sa pwesto sa mga opisyal ng District Drug Enforcement Unit ng Manila Police District.
Ito ay sa gitna ng mga alegasyon ng pangingikil at pang-aabuso ng pito nilang tauhan sa isang motorcycle delivery rider sa Sampaloc, Maynila noong Martes, September 9.
Sa reklamo ng biktima, ikinulong umano sila ng kaniyang kasama mula alas-3 ng hapon hanggang halos ala-una ng madaling-araw ng kinabukasan.
Nakatakas siya ngunit kinuha raw ng mga pulis ang P9,000 mula sa kaniyang GCash at motorsiklo ng kaniyang kasama.
Dumulog na ang biktima sa National Police Commission (NAPOLCOM) upang isumbong ang ginawa ng mga pulis sa kaniya na pag-aresto at pagnanakaw sa kaniyang gamit.
Kaugnay nito, inalis na sa pwesto ni Manila Police District (MPD) chief Brig. Gen. Arnold Abad ang mga tauhan at inatasan na mag-report sa Personnel Holding and Accounting Unit.
Sabi ng alkalde, layon ng pagsibak na ibalik ang tiwala ng publiko sa mga awtoridad lalo’t gumugulong na ang imbestigasyon.
Naahaharap na ngayon sa patung-patong na reklamong administratibo ang pitong pulis na binubuo ng police major, master sergeant, staff sergeants, corporal at isang patrolman.









