Mga tauhan ng Parañaque Task Force na naging marahas sa ikinasang clearing operation, sinuspinde ni Mayor Edwin Olivarez

Sinuspinde ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang ilang tauhan ng Parañaque Task Force na na-involve sa nangyaring marahas na clearing operation noong biyernes.

Ayon kay Olivarez, kasalukuyan na nilang iniimbestigahan ang insidente matapos mag-viral ang video ng mga tauhan ng Parañaque Task Force habang inaaresto ang isang vendor.

Sinabi ng alkalde na maaaring matanggal sa serbisyo ang mga ito kung mapatutunayang mayroong harassment at kalabisan nang ikasa nila ang operasyon.


Nabatid na iginiit ni Olivarez na dapat daw sinunod ng mga tauhan ng Parañaque Task Force ang kanilang protocol kahit pa ipinapatupad ang maximum tolerance kung saan binigyan na muna daw sana ng notice ang mga vendors.

Aniya, hindi dapat na kinukuha ng task force ang mga paninda at dapat rin daw na kinausap muna ang mga vendors upang hindi magkaroon ng kaguluhan.

Nabatid na bukod sa vendor na naaresto at pinakawalan din, may ilang vendors ang nagre-reklamo sa naging marahas na hakbang ng task force lalo na’t ang iba sa kanila ay hindi naman nakakasagabal ang pagtitinda sa bangketa at kalsada.

Facebook Comments