Umaabot na sa 503 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa hanay ng Philippine Coast Guard (PCG).
Sa datos na ibinahagi ng PCG, karagdagang 77 bagong kaso ang kanilang naitala mula July 23 hanggang July 25 kung saan 248 dito ay active cases.
Ang mga nagpositibong tauhan ng coast guard ay agad na ipinull-out mula sa kanilang istasyon at agad na binigyan ng medical assistance at karagdagang suporta para sa agaran nilang paggaling.
Nadagdagan naman ng 96 na tauhan ng PCG ang nakarekober sa sakit kung kaya’t pumapalo na sa 255 ang kabuuang bilang nito.
Nabatid na nagsasagawa ang coast guard ng regular na swab test at kanilang binibigyan ang bawat PCG frontline personnel ng mga vitamins, Personal Protective Equipment (PPE) at ibang pang medical supplies habang sila ay nasa kani-kanilang duty.
Bukod naman sa mga rest day at work breaks, sumasailalim din sa debriefing sessions ang mga tauhan ng PCG sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Plano rin ng coast guard na gumamit ng ultraviolet lights para sa disinfection ng mga work spaces at iba pang areas habang pinag-iisipan na rin nila ang pagtatayo ng quarantine facility para sa mga PCG officers at personnel kailangang i-isolate bilang bahagi ng precautionary measure kontra COVID-19.