Mga tauhan ng PCG na nakaranas ng pambu-bully ng China sa pinakahuling resupply mission sa Bajo de Masinloc, ginawaran ng parangal

Kinilala ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang mga magigiting na tauhan na nakatalaga sa bisinidad ng Bajo de Masinloc.

Sa isinagawang seremonya sa headquarters ng Coast Guard Fleet sa Maynila, 40 tauhan ang binigyan ng Bronze Cross Medal at Ribbon.

Ang mga ito ang mga sakay ng BRP Bagacay at iba pang PCG units na patuloy na nagpapakita ng kanilang tapang sa gitna ng mga nararanasang pangha-harass ng China.


Sa kaniyang mensahe, pinasalamatan naman ni CG Admiral Ronnie Gavan ang mga tauhan sa pagseserbisyo lalo na sa nagdaang resupply mission kung saan binomba ng tubig ang kanilang barko habang nagbibigay ng security assistance sa BRP Datu Bangkaw ng BFAR.

Una nang sinabi ng Coast Guard na hindi sila titigil sa pagbabantay sa mga teritoryo ng Pilipinas sa kabila ng mga ginagawang pambu-bully ng China.

Facebook Comments