Pinuwestuhan na ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang bagong COVID-19 treatment facility sa Eva Macapagal Super Terminal sa Pier 15 sa Port Area, Maynila.
Ito ay matapos ang pormal na pagbubukas nito kahapon makaraang makumpleto ang retrofitting at pagsasaayos sa buong pasilidad.
Magiging katuwang din ng PCG at Department of Health (DOH) sa pagpapatakbo ng naturang treatment facility ang mga tauhan ng marina.
Kumpleto sa kinakailangang medical equipment ang nasabing treatment facility na mayroong 211 cubicles para sa mga pasyenteng positibo sa COVID-19.
Hinati ito sa iba’t-ibang zone para tumanggap ng iba’t-ibang kasong COVID-19 gaya ng may mga mild cases, advanced cases at mayroong severe infections.
Bukod sa mga hospital beds, mayroon din itong portable toilets, cargo containers para sa showers at sapat na open-air dining facilities.
Kabilang sa mga dadalhin dito ay ang pinoy repatriates na sasailalim sa 14-araw na mandatory quarantine.
Pangangasiwaan ito ng PCG medical group kung saan mahigpit na ipatutupad ang quarantine guidelines ng Bureau of Quarantine at DOH.