Ibinalik simula ngayong araw sa Senado ang mga tauhan ng Philippine Marines Security and Escort Group Lobby, Security Outposts, Parking Area at buong compound ng Senado.
Ayon kay Senate Sergeant at Arms Ret. Gen. Roberto Ancan, ito ay batay na rin sa direktiba ni Senate President Chiz Escudero na ibalik ang Philippine Marines para sa pagtiyak ng seguridad ng Senado.
Iginiit naman ni Ancan na walang anumang banta sa Senado kaya ipinabalik ang Philippine Marines.
Nilinaw din ni Ancan na wala itong kinalaman sa imbestigasyon ng Senado sa mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at sa inaasahang pagpapaharap sa Senado kay Pastor Apollo Quiboloy.
Pinalitan ng Philippine Marines ang security unit ng Philippine National Police (PNP) na matatalaga naman hanggang sa labas ng Senado habang ang mga tauhan ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) pa rin ang magbibigay ng seguridad sa loob naman ng gusali ng mataas na kapulungan.