Humarap sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Special Operations Unit na sangkot sa misencounter kamakailan sa Commonwealth sa Quezon City kung saan 5 ang namatay.
Ang kanilang pagharap sa NBI ay kasunod ng subpoena na pinadala sa kanila ng NBI at sa mga naka-engkuwentro nitong mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sila ay sasalang sa mga pagtatanong ngayong araw sa opisina ni NBI-National Capital Region Regional Director Cesar Bacani.
Dala na rin ng mga pulis ang kanilang affidavit.
Kahapon, nauna nang nagtungo ang mga pulis sa NBI, subalit hindi natuloy ang pagtatanong sa kanila dahil hindi nakarating ang kanilang abugado.
Sa pagpasok nila sa NBI kanina, dumaan muna ang mga pulis sa health protocols gaya ng screening, body temperature check at health declaration.
Hindi naman sila nagpaunlak ng panayam sa media, at sa halip ay magpapaliwanag na lamang daw sila sa NBI.