Itinalaga na ng Land Transportation Office (LTO) Region 1 ang kanilang mga tauhan sa iba’t ibang kalsada sa rehiyon bilang bahagi ng pagpapatupad ng Oplan Biyaheng Ligtas: Undas 2025.
Layunin ng operasyon na matiyak ang ligtas, maayos, at organisadong biyahe ng mga motorista at pasahero sa paggunita ng Undas.
Bago ang deployment, nagsagawa ng send-off ceremony ang ahensya kung saan isinagawa ang operational briefing para sa mga enforcer na itatalaga sa mga pangunahing lansangan at terminal.
Ayon sa LTO Region 1, nakatuon ang operasyon sa pagbabantay laban sa mga kolorum at hindi ligtas na sasakyan, gayundin sa mahigpit na pagpapatupad ng mga batas-trapiko upang maiwasan ang aksidente sa kalsada.
Kasunod ng programa, nagsagawa rin ng banal na misa at pagbabasbas sa mga sasakyan at kagamitan ng ahensya bilang panalangin para sa ligtas at maayos na operasyon ngayong Undas.









