Patuloy ang pagpapaigting ng mga network service providers sa paglaban nito sa mga text scams na naglalaman ng pangalan ng subscriber.
Sa isang pahayag, sinabi ng Globe Telecom Inc. na gumasta na sila ng aabot sa isang bilyong piso upang mapalakas ang kanilang kakayahan upang maka-detect at maharang ang mga scam at spam messages mapa-international o local man ito.
Natutok din bente-kwatro oras ang kanilang operations centers na may higit 100 tauhan na nag-dedetect ng mga pang-aatake, breaches at spam at text messages.
Mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon ay nakapagblock na ang Globe ng aabot sa 784 milyong scam at spam text messages, nakapag-deactivate ng 14,058 na SIM cards na may kinalaman dito at nakapag-blacklist ng halos 9,000 iba pa.
Inihayag din ng kumpanyang Smart Communications Inc. na nakapag-invest na ito ng tatlong bilyong piso noong 2021 upang maprotektahan ang publiko lalo na ang kanilang mga subscribers lamang sa mga naglipanang cyber threats, online fraud at iba pang kahalintulad na krimen.
Mula Enero hangaang Agosto ngayong taon ay nakapag-block na ito ng 300 milyong mensahe upang hindi na ito makarating sa kanilang customers.
Mababatid na iniimbestigahan na ng National Privacy Commission (NPC) ang naturang insidente at sinisilip na nito ang anggulong nakuha ng mga kawatan ang pangalan sa mga messaging at payment apps.