Hindi pa rin dapat maging kampante ang mga telecommunications companies at ang publiko matapos na bumaba ang reklamo ukol sa mga text scams sa gitna na rin ng implementasyon ng SIM Registration Law.
Unang inihayag ng ng National Telecommunications Commission (NTC) na mulang magsimula ang pagpapatupad ng SIM registration ay bumaba sa 100 mula sa 1,500 ang kada araw na reklamo kaugnay sa mga text scams.
Ayon kay Senator Grace Poe, ang pagbaba ng bilang ng mga reklamo sa text scams ay patunay lamang na natatamo na ng publiko ang benepisyong hatid ng batas.
Magkagayunman, hindi aniya dapat lubayan ng mga telcos ang mahigpit na pagpapatupad ng sim registration lalo pa’t posibleng makaisip ng ibang paraan ang mga scammers para makapanloko ng mga tao.
Paalala ni Poe sa mga telcos, mahigit 25 percent pa lang ng kabuuang bilang ng active SIM users ang matagumpay na nakapagparehistro ng kanilang mga SIM at nalalapit na rin ang deadline rito na nakatakda sa April 26.
Wala aniyang puwang para maging kampante ang mga telcos sa patuloy na paghimok sa mga mobile phone users na i-rehistro ang kanilang mga SIM.
Giit ng senadora, ang pinakamisyon ng batas ay maisakatuparan ang 100 percent SIM registration at makamit ang zero text scam upang matiyak ang kaligtasan ng mga mobile users sa paggamit ng teknolohiya.