Sinisikap ng telecommunication companies sa bansa na mapahusay pa ang kanilang serbisyo sa harap na rin ng panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Smart Communications Inc. President Al Panlilio, aabot sa 800,000 customers ang nabigyan ng libreng updates at libreng speed boost.
Ang kanilang mga Postpaid subscribers ay binigyan naman ng libreng data allocation.
Naglaan ang Smart ng ₱260 billion sa nakalipas na limang taon.
Aabot sa higit 10,000 cell sites at 58,538 base stations ang mayroon sila sa bansa at nasa 32.8 megabits per second o mbps ang average download speed sa Metro Manila.
Target nilang lumipat mula DSL Copper sa Fiber-like services sa susunod na taon.
Para naman kay Globe President and CEU Ernest Cu, pinamamadali na nila ang pagtatayo ng mga karagdagang cell sites na kayang magbigay ng 4G o LTE at 5G connection at mas pabibilisin pa nila ang fiber service sa mga bahay.
Nalagpasan na ng Globe ang rollout at upgrade targets at umaasang maaabot nila ang 1,300 cell sites sa katapusan ng taon.
Sinabi naman ni Converge ICT Chief Operating Officer Jesus Romero, plano nilang maghatid 5.3 high-speed fiber ports sa buong bansa sa susunod na taon.
Dagdagan din nila ang kanilang manpower para maserbisyuhan ang kanilang mga customers na nangangailangan ng repairs at installations.
Samantala, para sa ikatlong telco – sinabi ni DITO Telecommunity Chief Administrative Officer Adel Tamano, target nilang umpisahan ang kanilang commercial rollout sa March 2021.
Pinawi rin ni Tamano ang mga security concerns at sinabing Filipino company ang DITO.
Nire-require ang DITO ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) na maglatag ng cybersecurity plan.