Hinimok ni Quirino Representative Junie Cua ang mga telecommunications company na samantalahin ang Bayanihan 2 para sa pagpapatayo ng mga cell towers.
Sa pulong ng House Committee on Information and Communications Technology, sinabi ni Cua na habang epektibo pa ang Bayanihan 2 ay madaliin na ng mga telcos ang pagpapatayo ng dagdag na towers ng hindi inaalala ang pagkuha ng maraming permits at clearances.
Isa sa probisyon ng Bayanihan 2, ang pag-alis sa requirements para sa permit at clearances na nagpapahaba at nagpapatagal sa proseso ng pagtatayo ng dagdag na tower.
Layunin dito na mapadali ang pagtatayo ng towers nang sa gayon ay maserbisyuhan ng mabilis na internet at data speed sa bansa.
Aminado si National Telecommunications Commission (NTC) Commissioner Gamaliel Cordoba na ang maraming papeles na hinihingi lalo na ng mga Local Government Units (LGUs) ang nagpapatagal sa pagtatayo ng mga cell tower at iba pang kinakailangang imprastraktura sa bansa.