Mga telcos na palpak ang internet service, dapat papanagutin ng NTC

Iginiit ni Senator Win Gatchalian sa National Telecommunications Commission o NTC na papanagutin ang mga telecommunication companies o telcos na bigong gumawa ng hakbang para mapahusay ang internet service.

Walang makitang rason si Gatchalian, para magpatuloy pa rin ang pagdurusa ng publiko sa palpak at paputol-putol na internet connection.

Diin ni Gatchlain, lahat na ng kailangang mekanismo upang mapabilis ang konstruksyon ng telecommunications towers ay inilatag na sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 na isinabatas simula noong isang taon para masiguro ang maayos na internet service.


Tinukoy ni Gatchalian ang mga probisyon sa ilalim ng Bayanihan 2 na pansamantalang nagsususpinde ng ilang mga requirements upang umiksi ang regulatory procedures sa pagkuha ng mga permit at clearance sa pagpapatayo ng mga imprastraktura na kailangan ng sektor ng telecommunications.

Ayon kay Gatchalian, mawawalan ng saysay ang pinagsumikapang mga batas kung hindi naman ito naipatutupad.

Punto pa ni Gatchalian, habang patuloy ang pandemya, ay lumalawak ang pangangailangan natin sa internet connectivity.

Facebook Comments