Handang ilagay ng Department of Justice (DOJ) sa Witness Protection Program (WPP) ang mga testigo sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Ito ang tiniyak ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killing (EJK).
Ayon kay Remulla, sisiguraduhin ng DOJ na magkakaroon ng patas na imbestigasyon sa drug war probe sa gitna ng panggigiit ng Pilipinas na may sarili itong justice system at walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa bansa.
Dagdag pa ng kalihim, kailangan nila ng mga testigo at ebidensya para makasuhan at mapanagot ang mga umanoy sangkot sa drug war campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi kasi aniya pwedeng mag-imbento ang DOJ ng mga ebidensya laban sa mga inaakusahan.
Inihayag din ni Remulla na may mga sinusubukan na silang kausapin kaugnay sa EJK pero umatras ang mga ito.
Kaugnay nito, hinihimok ng kalihim na tumestigo at lumapit sa DOJ ang sinumang may nalalaman hinggil sa war on drugs ng administrasyong Duterte.