Mga tinapyas na pondo sa State Universities and Colleges at sa scholarships ng CHED, ipinababalik ng isang mambabatas

44

Ipinababalik ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago ang mga tinapyas na pondo para sa State Universities and Colleges (SUCs) at sa medical scholarship program.


Napag-alaman sa budget hearing ng Commission on Higher Education (CHED) na 19 sa mga SUCs ang binawasan ang kanilang alokasyon sa susunod na taon, 18 SUCs naman ang tinapyasan ang MOOE at 56 SUCs ang binawasan ang kanilang capital outlay.

Napuna rin na binawasan ng 60% ang budget para sa scholarship habang wala namang alokasyon para sa cash grants sa mga medical students.

Paliwanag naman dito ni CHED Chairperson Prospero de Vera, mayroong pondo para sa cash grants sa mga medical students dahil na-retain ang 2020 budget nito sa 2021 National Expenditure Program.

Sa katunayan aniya ay mayroong 1,789 medical students ang kasalukuyang nabigyan na ng grants.

Nanawagan naman si de Vera sa Kongreso na mag-realign muli ng budget upang mabigyan ng pondo ang medical scholarship program sa mga susunod na taon.

Iginiit naman ni Elago na hindi katanggap-tanggap na ngayon pang may pandemya nagkaroon ng pagtatapyas sa pondo sa mga SUCs at scholarship kaya hiniling nito sa Kongreso ang pagbabalik sa mga inalis na pondo.




Facebook Comments