Binalaan ni Manila City Mayor Isko Moreno ang convenient stores sa lungsod na nagbebenta ng alak na kanya itong ipasasara.
Sa harap ito ng patuloy na umiiral na liquor ban sa lungsod.
Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga negosyante sa Maynila na ang pagbebenta ng alak o alcoholic beverages ay isa lamang pribilehiyo na ipinagkakaloob ng pamahalaang lungsod.
Maging ang mga grocery stores na magbebenta parin ng alak sa gitna ng liquor ban ay binalaan din ni Moreno na ipasasara.
Una nang naglabas ng Executive Order si Moreno na nagbabawal sa distribution at pagbebenta ng anomang uri ng alcoholic beverages sa Maynila dahil sa patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.
Humingi rin ng pang-unawa sa mga residente ng Maynila si Moreno at hinikayat ang mga ito na gamitin ang natatanggap nilang tulong pinansyal sa pagbili ng mga pangunahing pangangailangan, sa halip na ipambili ng alak.