MGA TINDERO SA DAGUPAN CITY BALIK QUINTOS BRIDGE, DAHIL SA PAGBAHA SA DOWNTOWN

Tuloy ang laban. Ito ang sigaw ng mga manlalako sa lungsod ng Dagupan habang muli na namang binabaha ang kanilang orihinal na mga puwesto, mga lugar na tila ba naging permanente nang paliguan ng tubig baha, at hindi na mapirmihan.

Karaniwan na ang makita ang kumpulan ng mga tindero sa kahabaan ng downtown tuwing madaling araw, ngunit kahapon, mas malala ang kanilang dinatnan—mas mataas na tubig, mas mabigat na pasanin.

Bukod sa pagpupuyat at kakulangan sa pahinga, dagdag pa ang hirap ng pagkayod habang basâ ang mga paa, sa gitna ng kulang-kulang na kita at hindi tiyak na kabuhayan. Patong-patong na sakripisyo sa isang sitwasyong tila walang katiyakan.

Sa panayam ng iFM News Dagupan kay Aling Baby, isang matagal nang tindera ng gulay, hindi nito napigilang ipahayag ang kanyang pagkadismaya sa mga isyung kinahaharap ng mga tulad niyang nasa laylayan.

Dagdag pa niya, hindi sisiran ng kalikasan ang sagot sa problemang paulit-ulit na lang at walang solusyon.

Sa kabila ng mga pagsubok, patuloy pa ring umaasa ang mga tindero ng Dagupan sa isang maayos na tugon mula sa pamahalaan, isang konkretong solusyon, pagtutulungan, pagkakaisa, at pamumunong nakatuon sa kapakanan ng nakararami.

Isang palaisipan pa rin hanggang ngayon: habang ang ilan ay komportableng “naliligo” sa yaman sa gitna ng baha, ang karaniwang mamamayan ang lubos na lumulubog sa hirap. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments