Umabot na sa 4,974 na mga pulis ang nasibak sa serbisyo dahil sa pagkakasangkot sa iba’t ibang katiwalian.
Sa ulat ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Brigadier General Ildebrandi Usana, ang bilang na ito ng mga nasibak na pulis ay naitala simula noong July 2016 nang magsimula ang Duterte Administration hanggang March 24, 2021.
Matatandaang kamakailan ay inihayag mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na inutos niya na ang agarang pagsibak sa serbisyo ng mga pulis na masasangkot sa graft at corruption at hindi na kailangan pang dumaan sa suspension.
Samantala, bukod sa bilang ng mga pulis na sinibak sa serbisyo, simula 2016 nakapagtala na rin ang PNP ng 943 pulis ang na-demote ang ranggo, 8,806 pulis ang nasuspinde, 716 ay binawi ang sweldo, 1,973 ay na-reprimand, 132 ay naging restricted at 242 ay hindi nabigyan ng mga benepisyo.
Ang dahilan ng kanilang mga parusa ay dahil sa pagkakasangkot sa iba’t ibang katiwalian.