
Mas mahihirapan ang mga pasahero na makabook ng kanilang biyahe dahil sa pagtapyas ng surge fee ng mga Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Ito ang pangamba ng ilang TNVS gaya ng Grab Philippines kung saan ang mga driver anila ang magpapasan dahil sa mas mataas na konsumo sa gasolina lalo na ngayong mas mabigat ang daloy ng trapiko dahil sa Christmas season.
Sa isang pahayag, sinabi ng Grab na bagama’t iginagalang nila ang utos ng pamahalaan ay maaaring mabawasan ang mga driver na magsasakay lalo na kung hindi maingat na ipapatupad.
Halimbawa rito ang hindi pag-oonline ng mga driver lalo na sa mga panahong kailangan sila ng mga pasahero.
Sa ilalim ng bagong Memorandum Circular ng LTFRB, binawasan ang surge pricing ng mga accredited TNVS mula December 17 hanggang January 4, 2026.
Nangako naman ang ahensiya na gagawan ng paraan para tugunan ang posibleng bawas sa kikitain ng mga TNVS drover kabilang ang dagdag kompensasyon.
Umaasa rin ang naturang kumpanya na hindi magiging dehado ang kanilang mga driver na kailangan ding kumita.









