Mga TNVS groups, bigong makakuha ng moratorium sa panghuhuli ng colorum na TNVS

Nanindigan si LTFRB Chairman Martin Delgra na hindi payagan na bumiyahe ang isang colorum na Transport Vehicle Service Unit (TNVS).

Sa isinagawang inter-agency consultation ng LTFRB sa TNVS paulit-ulit ang hirit ng mga TNVS group na magpalabas ng moratorium sa apprehension ng TNVS unit na walang prangkisa.

Isa-isang tumayo sa harap ng public hearing ang mga ito at naglatag ng kani-kanilang hinaing ang iba’t-ibang grupo ng TNVS.


Pero matatag ang posisyon ng LTFRB head sa pagsasabing kapag pinagbigyang bumiyahe ang isang colorum na TNVS, baka ganito rin ang hilingin din ito ng iba pang mode of transport na walang prangkisa.

Babala ni Chairman Delgra, nandiyan ang MMDA na manghuhuli sa mga ito.

Bukas naman ang regulatory agency na paluwagin ang proseso sa pagkuha ng prangkisa.

Kukumbinsihin ng LTFRB ang mga bangko na paluwagin ang requirement o kaya ay bawasan ang gastusin sa tinatawag na   bank conformity.

Hawak kasi ng mga bangko ang OR-CR ng mga sasakyan na hinuhulug-hulugan ng mga aplikante na kumukuha ng prangkisa.

Ani Delgra, hindi naman ang LTFRB ang humingi ng OR-CR kundi ang Land Transportation Office o LTO.

Kailangan kasi na matatakan ang sasakyan bilang for hire para makabiyahe habang dinidinig ang kanilang aplikasyon.

Mahalaga ito para hindi sila maidedeklarang colorum.

Pumayag din ang ahensya na ang mga may existing application o renewal ay matatakan ng provisional authority.

Ibig sabihin, pwede na silang bumiyahe bilang TNVS gaya ng Grab.

Facebook Comments