Tinalakay sa Senate Committee on Public Services ang mga reklamo ng mga commuter tungkol sa pahirapan na pag-book sa Transportation Network Vehicle Services (TNVS) tulad ng Grab lalo ngayong holiday season.
Sa pagdinig ay kinuwestyon ni Senator Raffy Tulfo ang Grab kung bakit sa tuwing rush hour at kapag umuulan ay hirap ang marami sa mga commuter na makapag-book sa nasabing TNVS at kadalasan ay kinakansela pa ng driver.
Inamin ni Atty. Gregorio Tingson, head ng Public Affairs ng Grab Philippines, na ang pangunahing dahilan ay nagkukulang sila ng suplay ng mga driver sa daan lalo na kapag rush hour dahil may ilang mga driver ang pinipiling hindi bumyahe at may iba ay pinapalipas ang traffic.
Pero hindi naman umubra kay Tulfo ang katwiran ng Grab dahil may mga reklamong nakarating sa kanya na matagal nang pinaghintay ang commuter, in-extend pa ang oras ng paghihintay at biglang ikakansela ng driver.
Humingi naman ng paumanhin ang Grab sa mga commuter na kinakansela ng kanilang mga driver bagamat iba-iba ang rason at ito ay iniimbestigahan naman ng kumpanya kapag na-ireport sa kanilang platform.
Sinabi pa ni Tingson na may kaukulang penalties ang Grab sa kanilang mga drives na panay kansela ng booking at isinasailalim din nila ito sa evaluation hanggang sa masuspinde ang kanilang account.