
Sinamantala ng mga miyembro ng TODA sa Quezon City ang launching ng bente pesos na bigas sa Kadiwa Store sa loob ng compound ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa Visayas Avenue.
Sa pagbubukas pa lang ng Kadiwa Store kaninang umaga, dagsa na agad ang mga TODA members at patuloy pa rin ang dating nila para bumili ng murang bigas.
Ayon kay Isagani Fulgencio, residente ng Pasong Tamo, Tandang Sora at may rutang Project 6, malaking ginhawa na nasakupan na rin sila ng bente pesos na bigas dahil hindi na nila kailangan pang bumili ng tig-50 pesos kada kilo ng bigas.
Sampung kilo ang pinapayagang mabili ng kada TODA members na sapat na para sa isang linggong konsumo ng isang pamilya na may apat na miyembro.
Ani Fulgencio, malaking kabawasan aniya ito sa budget nila at mailalaan sa pagbili ng ulam ang matitipid.
Bukas ang Kadiwa Center hanggang mamayang alas-5:00 ng hapon at mula sa 100 na sako ng bigas na ibinagsak ng Food Terminal Inc, nasa 30 na sako na lang ang nakatakdang ubusin bago mag-cut off time.
As of 2:00 PM, nasa 253 na ang mga TODA members na nakabili ng bente pesos na bigas.









