Roxas, Isabela – Nabigyan ng tulong pangkabuhayan ang mga tokhang responder sa bayan ng Roxas, Isabela na nagtapos ng Community Based Rehabilitation Program (CBRP) at training mula sa TESDA.
Ito ang ibinahagi ni Police Major Engelbert Bunagan ng PNP Roxas sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan sa kanya sa programang sentro serbisyo.
Ayon kay Major Bunagan, nasa 217 tokhang responder sa Roxas, Isabela ang nakapagtapos ng CBRP na nabigyan ng tulong pangkabuhayan mula sa 364 kabuuang tokhang reposnders.
Nakadepende anya sa natapos na training ng responder sa TESDA ang naibigay na pangkabuhayan.
Dagdag pa ni Bunagan, kasalukuyan pa ang proseso ng mga natitirang responder at inaasahan na sa buwan ng Abril ay magtatapos na rin ang mga ito.
Kaugnay nito, mula sa monitoring ng PNP Roxas sa mga tokhang responder ay wala naman umanong bumabalik sa paggamit o pagtutulak ng droga.
Samantala, patuloy pa rin ang isinasagawang kampanya ng mga otoridad kontra droga at lalo pa anya nilang paiigtingin ang kanilang operasyon.