Tuesday, March 31, 2026

Mga tollway, naka-full alert hanggang Abril 5

Naka-full alert na ang mga tollway sa bansa simula pa nitong Marso 28 hanggang Abril 5, ayon sa Toll Regulatory Board (TRB).

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni TRB Spokesperson Julius Corpuz, na nakahanda ang lahat ng tollway operators at concessionaires sa inaasahang pagdami ng sasakyan ngayong Semana Santa at bakasyon.

Bukas ang lahat ng toll plaza, at dinagdagan ang mga tauhan para sa mas maayos na daloy sa RFID at cash lanes.

Kapag umabot sa higit 100 metro ang pila ng sasakyan, iaangat ang barrier upang tuloy-tuloy ang usad at magpapatupad ng counterflow kung kinakailangan.

Naka-standby rin ang mga technician sakaling magkaroon ng aberya sa mga toll booth.

Nakaalerto rin ang patrol cars, quick reaction teams, medical teams, ambulansiya, at tow trucks para rumesponde sa anumang insidente.

Pinalakas din ang motorist assistance at traffic management, habang pinaigting ang maintenance ng mga pasilidad, kabilang ang palikuran at gasolinahan sa mga expressway.

Facebook Comments