
Nagbabala ang grupong Ban Toxics sa publiko hinggil sa mga ibinibenta at paggamit ng plastic na torotot sa Pasko at Bagong Taon.
Matapos matuklasan na may ilan dito na maaaring naglalaman ng mga mapanganib na kemikal gaya ng lead at mercury, na delikado sa kalusugan, lalo na sa mga bata.
Sa isinagawang market monitoring, bumili ang grupo ng 12 makukulay na torotot na nagkakahalaga ng 15 hanggang 40 pesos, depende sa laki, mula sa iba’t ibang tindahan sa Divisoria, Maynila, at Baclaran, Pasay.
Lumabas sa kanilang pagsusuri gamit ang Chemical Analyzer na nagpositibo ang mga nakuhang sample sa lead na may 980 parts per million at mercury na hanggang 190 parts per million.
Mataas ito sa itinakdang limitasyon ng mga nabanggit na kemikal para sa ligtas na mga laruan.
May mga bakas rin ng iba pang kemikal ang mga torotot, gaya ng barium, bromine, chlorine, at chromium.
Bukod sa mga nakitang kemikal, napag-alaman din na walang label ang mga nasuring produkto, na malinaw na paglabag sa RA 10620 o ang Toy and Game Safety Labelling Act of 2013.
Kaugnay nito, binalaan din ng Ban Toxics ang publiko na bukod sa kemikal, posibleng magdulot din ng pinsala ang mga plastic na torotot, tulad ng choking hazard, lacerations mula sa matatalim na gilid ng plastik, at hearing damage kung hihipan ito malapit sa tainga.
Ayon kay Advocacy at Campaign Officer Thony Dizon, mahalaga ang mahigpit na pagbabantay ng mga magulang at maingat na pagpili ng mga laruan para sa kaligtasan ng mga bata.
Nagpaalala rin siya sa publiko na suriin ang mga label at materyales ng mga bibilhing produktong pambata.









