Mga Tourism Office, Stakeholders sa Rehiyon Dos, Pinarangalan

Cauayan City, Isabela- Pinarangalan ng Department of Tourism (DOT) Region 2 ang lahat ng mga provincial tourism office at tourism stakeholders sa rehiyon dos sa katatapos lamang na Regional Tourism Forum kahapon na ginanap sa Isabela Convention o ICON Center dito sa Lungsod ng Cauayan.

Isinagawa ang awarding kagabi kung saan personal na iniabot ng DOT Region 2 sa pangunguna ni Regional Director Fanibeth Domingo ang plake bilang pagpupugay sa magandang performance, serbisyo at dedikasyon ng bawat tourism office sa rehiyon.

Binigyan din ng parangal ang mga katuwang na tourism stakeholders, regional Tourism organizations, Farm Tourism and tour operators’ associations at mga partner government agencies sa pagpapalaganap ng mga programa ng DOT lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Bago ang pagpaparangal kagabi, nagkaroon muna ng Forum kahapon ang iba’t-ibang kawani ng local tourism office at stakeholders at nagkaroon din ng presentation ng mga accomplishments at nagawang tulong ng bawat LGU tourism office sa rehiyon mula taong 2016 hanggang sa taong kasalukuyan.

Samantala, bilang representative ni Cauayan City Mayor Bernard Dy, ipinaabot ni Councilor Gary Galutera ang pasasalamat ng alkalde sa lahat ng mga dumalo sa aktibidad lalong lalo na sa DOT Region 2 sa pagbuo ng ganitong aktibidad at sa pagpili sa Siyudad ng Cauayan bilang host sa napakahalagang event ng ahensya.

Umaasa naman si Councilor Galutera na mas marami pang mga aktibidades ang isasagawa ng Regional Tourism dito sa Lungsod ng Cauayan dahil suportado at bukas naman aniya ang Cauayan City para mag-host at pangunahan ang anumang aktibidad para matulungan rin ang mga maliliit na investors na nangangailangan rin ng suporta.

Nagpapasalamat din si DOT Regional Director Fanibeth Domingo sa lahat ng mga LGU at Private sectors sa pagbibigay tulong at suporta sa mga provincial, City at municipal tourism office para maisakatuparan ang lahat ng mga aktibidad para sa promosyon ng turismo sa lambak ng Cagayan.

Naging maayos at masayang natapos ang isinagawang tourism Forum at awards night na kauna-unahang isinagawa dito sa Siyudad ng Cauayan.

Facebook Comments