Mga tourism personnel sa buong bansa, oobligahing sumailalim sa first aid training

Manila, Philippines – Itinutulak sa Kamara ang panukalang batas na umoobliga sa mga kumpanya o negosyo sa tourism sector na isailalim sa first aid training ang kanilang mga tauhan.

Inaprubahan sa House Committee on Tourism ang House Bill 9141 na iniakda ni Muntinlupa Representative Ruffy Biazon na layong bigyan ng skills at training ang mga tourism personnel pagdating sa maagap na pagbibigay ng emergency medical needs sa mga biyahero at mga turista.

Layunin ng panukala na matugunan ang public health at safety habang isinusulong ang bansa bilang global tourism destination.


Binibigyang mandato ng panukala ang mga tauhan ng tourism enterprises, tourism-oriented non-government organizations (NGOs) at people’s organizations (POs) at mga individual providers na nagbibigay ng serbisyong turismo na sumailalim sa basic first aid training ng Philippine Red Cross (PRC).

Magiging bahagi din ng requirement para sa renewal ng business permits ng mga tourism enterprises ang pagkakaroon ng first aid training ng mga tauhan.

Ang LGUs naman ang magpa-facilitate at makikipag-ugnayan sa PRC para sa kinakailangang training ng mga nasasakupang tourism-oriented NGOs at POs.

Facebook Comments